ABS-CBN, pinakapinanood pa rin sa buong bansa noong Oktubre

Buong buwang namayagpag ang ABS-CBN noong Oktubre sa paghandog nito ng mga palabas na puno ng aral at mga makabuluhang balita matapos nitong umani ng average audience share na 46% kumpara sa 33% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.

Tinutukan pa rin ang ABS-CBN sa bawat panig ng bansa at tinalo ang katapat nitong network. Nanguna ang Kapamilya network sa Mega Manila kung saan nakakuha ito ng average audience share na 36% kumpara sa 34% ng GMA; sa Metro Manila kung saan nagkamit  ito ng average audience share na 41% laban sa 27% ng GMA; sa Total Luzon kung saan nakakuha ito ng average audience share na 43% kumpara sa 34% ng GMA; sa Total Visayas sa pagrehistro nito ng 53% at tinalo ang GMA na may 28%; at sa Total Mindanao sa pagtala nito ng 50% laban sa 33% ng GMA.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 urban at rural homes.

Napanatili pa rin ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang paghahari nito sa national TV ratings sa pagtala nito ng monthly average national TV rating na 39.9%. Kasalukuyan ngang mas humihirap ang misyon ni Cardo (Coco Martin) ngayong sanib-pwersa na ang mga kalaban, kaya naman patuloy itong kinakapitan tuwing gabi.

Pagdating naman sa pagbabalita, “TV Patrol” (34.4%) pa rin ang pinakatinutukang news program sa bansa noong Oktubre sa paghahatid nito ng mga nagbabagang impormasyon at pagbibigay serbisyong publiko, kumpara sa katapat nitong “24 Oras” na nakakuha lamang ng 20.8%.

Patuloy din namang kinakapitan ang kwento ng “La Luna Sangre” (33%) gabi-gabi na gumulat sa mga manonood matapos ang rebelasyon ni Jacintha Magsaysay (Angel Locsin) bilang isang bampirang nagnanais mapatumba ang Suprema na lubos pinag-usapan online.

Hindi rin naman nagpadaig ang mga batang puno ng talento at mga madadamdaming kwento sa “Little Big Shots” (31.3%) sa pangunguna nito tuwing Sabado at Linggo ng gabi.

Samantala, lubos namang tinutukan at pinag-usapan sa social media ang pagkamatay ni Ivy Aguas at pagkabuhay ni Lily Cruz (Maja Salvador) noong Oktubre, kaya naman humataw ang “Wildflower” (28.9%) sa national TV ratings.

Tinutukan din ang mga aral na hatid ng “Wansapanataym” (27.5%) at mga tunay na kwento ng buhay ng letter senders ng “MMK” (27.1%).

Nagdala din ng katatawanan sa bawat kabahayan ang Kapamilya shows na “Home Sweetie Home” (27.1%) at “Goin’ Bulilit” (24%) na pinagbibidahan naman ng child stars ng ABS-CBN.

Samantala, inabangan ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks noong Oktubre, partikular na sa primetime (6PM-12MN) kung saan nakakuha ang Kapamilya network ng average audience share na 50%, o 21 na puntos na lamang sa GMA na mayroon lamang 31%. Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

Tinutukan din ang ABS-CBN sa morning block (6AM-12NN) sa pagtala nito ng average audience share na 39% kumpara sa 32% ng GMA, sa noontime block (12NN-3PM) sa pagrehistro nito ng 47% laban sa 33% ng GMA, at sa afternoon block (3PM-6PM) sa pagtala nito ng 42% at tinalo ang GMA na may 39%.

Comments are closed.