“Lakas ng Kamao” ni Magsayo, ipapalabas sa ABS-CBN S+A

Bago sumabak sa pinakamalaking hamon sa kanyang karera, ipapakita ni Mark “Magnifico” Magsayo kung bakit siya ang isa sa inaasahang magtataguyod ng bandera ng Pilipinas sa larangan ng boksing sa dokumentaryong “Mark Magsayo: Lakas ng Kamao” na ipapalabas araw-araw sa S+A at S+A HD simula kahapon (Nobyembre 21) ng 12 nn.

Babalikan ng ABS-CBN S+A ang mga labang nagpatibay, nagpalakas, at humubog kay Magsayo  para maging isa sa matinding pambato ng ALA Boxing Gym bago niya itaya ang kanyang WBO International Featherweight division belt sa “Pinoy Pride 43: The Battle for Bohol” sa Sabado (Nobyembre 25).

Tangan-tangan ni Magsayo ang kanyang 17-0 (13 KOs) na kartada sa ring kontra kay Shota Hayashi (30-6-1) ng Japan sa kanyang nalalapit na laban na mapapanood sa primetime sa S+A at S+A HD sa darating na Linggo (Nobyembre 26) ng 6:30 pm at 3:30pm naman sa ABS-CBN.

Sa dokyu, ikukwento ng dating ice cream vendor kung paano siya napadpad sa ALA Boxing gym hanggang sa patumbahin niya ang ilang batikang mandirigma tulad nina Chris Avalos at Daniel Diaz. Bukod pa riyan, ibabahagi rin ni “Magnifico” ang ilang mga aral na napulot niya sa loob at labas ng ring, ang mga nagsisilbing inspirasyon sa kanyang buhay, pati na rin ang mga dagok na binato sa kanya ng laro ng buhay.

Mapapanood muli ang naturang dokyu sa Miyerkules (Nobyembre 22) ng 12 nn, Huwebes (Nobyembre 23) ng 8 pm, at Biyernes (Nobyembre 24) ng 12 nn.

Huwag palampasin ang nakaka-antig na kwento ng tagumpay ni Mark “Magnifico” Magsayo sa dokyung pinamagatang “Mark Magsayo: Lakas ng Kamao” na ipapalabas sa S+A at S+A HD mula Martes hanggang Biyernes. Sa darating na Linggo (Nobyembre 26) naman, mapapanood ang banggaang Magsayo at Hayashi sa “Pinoy Pride 43: The Battle for Bohol” ng 3:30 pm sa ABS-CBN at sa primetime ng 6:30pm sa S+A at S+A HD. Para sa balita sa laban, bumisita lamang sa online sports hub ng ABS-CBN Sports na sports.abs-cbn.com, at sundan ang social media accounts nila sa Facebook at Twitter (@ABSCBNSports).

Comments are closed.