Mga aral at balitang hatid ng ABS-CBN, kinapitan noong Nobyembre

ABS-CBN pa rin ang pinakatinutukang network ng mas maraming Pilipino sa buong bansa noong Nobyembre sa pagtala nito ng average audience share na 46%, kumpara sa GMA na mayroon lamang 34%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Hindi nagpadaig ang Kapamilya network sa bawat parte ng bansa, partikular na sa Mega Manila sa pagrehistro nito ng average audience share na 37%, kumpara sa 34% ng GMA, at sa Metro Manila sa pagkamit nito ng 41%, at tinalo ang 27% ng GMA. Tinutukan din ang ABS-CBN sa Total Luzon sa pagtala nito ng 44%, laban sa GMA na may 35%; sa Total Visayas sa pagrehistro nito ng 54%, kumpara sa GMA na may 27%; at sa Total Mindanao sa pagkamit naman nito ng 49%, at tinalo ang GMA na may 34%.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 urban at rural homes.

Nananatiling numero uno sa listahan ang “FPJ’s Ang Probinsyano” (41.1%) ngayong mas tumitindi na ang aksyon dahil nakatakda nang harapin ni Cardo (Coco Martin) ang sama-samang pagsugod ng kanyang mga mortal na kalaban.

Tinutukan din noong Nobyembre ang mga sopresa at rebelasyon sa “La Luna Sangre” (33.8%) na kamakailan ay pinag-usapan sa social media dahil sa trending na eksena nina Malia (Kathryn Bernardo) at Jacintha (Angel Locsin), na umani ng papuri ng netizens.

Patuloy din ang pamamayagpag ng “TV Patrol” (33.7%) sa larangan ng pagbabalita at public service at nanatiling pinakapinanood na newcast sa buong bansa.

Buong buwan ding hinangaan ang kakaibang talento ng kabataan sa “Little Big Shots” matapos nitong magkamit ng 30.2%.

Pinagmumulan naman ng aral at inspirasyon ang pinakabagong kwento ng “Wansapanataym” (29.8%) na “Jasmin’s Flower Powers” na pinagbibidahan nina Janella Salvador at Elmo Magalona. Kinaantigan din ang mga kwento ng totoong buhay ng letter senders ng “MMK 25” sa pagtala nito ng 27.1%.

Mas humihigpit naman ang pagkapit ng mga manonood sa “Wildflower” (25.5%) ngayong tumitindi na rin ang tapatan nina Lily Cruz (Maja Salvador) at Helena Montoya (Zsa Zsa Padilla) na nagpapainit sa gabi ng mga tagasubaybay.

Pasok din sa listahan ang ABS-CBN comedy shows na “Home Sweetie Home” (25.3%) at “Goin’ Bulilit” (23.4%) na parehong nagbibigay saya sa mga Kapamilya sa buong bansa.

Samantala, panalo rin ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks sa buong araw, partikular na sa primetime block, kung saan nakakuha ito ng average audience share na 51%, o 19 na puntos na mas mataas sa GMA na may 32%. Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

ABS-CBN din ang nanguna sa morning block (6AM-12NN) at nagkamit ng average audience share na 41%, laban sa GMA na may 31%; sa noontime block sa pagrehistro nito ng 47%, kumpara sa GMA na may 34%; at afternoon block sa pagkuha nito ng 42% at tinalo ang GMA na may 40%.

Comments are closed.